GENDER EDUCATION ISINUSULONG NG BANGSAMORO YOUTH BODY
PINANGUNAHAN ng Bangsamoro Youth Commission, kasama ang iba pang lokal at pandaigdigang organisasyon, ang pagsusulong ng Gender Education lakip ang pagnanais na makapag-mainstream ng araling kasarian sa pagpapaunlad ng pamayanan.
Para masigurong maisasama sa pagpaplanong pangkaunlaran at usaping pangkapayapaan ang kalagayan ng mga kababaihan at kabataan sa buong rehiyon ng Bangsamoro ay nagkaisa ang BYC, United Nations – Women, at Norwegian Government sa pagsasagawa ng samu’t saring gender orientation-education na maghahatid ng bagong perspektiba sa lipunan, partikular sa kasalukuyang unos na hatid ng Covid19.
Ayon kay BYC Chair Marjanie Macasalong, pangunahing layunin ng programa ang pagdaragdag ng kaalaman sa mga samahang pangkabataan hinggil sa perspektibong pangkasarian pagdating sa pagkokrokis ng mga programa at pagpaplanong panrehiyon sa Bangsamoro.
Sinabi niya na labis na naaapektuhan ang hanay ng kababaihan at kabataan sa anumang programang isinasagawa ng pamahalaan kaya nararapat na ang boses nila’y marinig at malangkap dito.
Binigyang-diin niya na para marinig ang kanilang boses, dapat na magkaisa at magpalakasang loob ang kanilang hanay tungo sa mas makahulugan at maunlad na kinabukasan ng komunidad at ng buong bayan.
Nasa 40 na babaeng lider ang dumalo sa first cluster ng orientation-education. Sila ay nagmula sa Cotabato, Maguindanao, at North Cotabato.
Binalangkas ng mga kahalok ang action plan sa Covid19 mitigation and response nang may konsiderasyon sa konteksto ng kababaihan, kabataan, seguridad, at kapayapaan.
Ang susunod na iskedyul ng gender education orientation ay gaganapin sa Pebrero at Marso 2021. Ito ay inaasahang dadaluhan ng mga lider mula sa Basilan, Lanao del Sur, Sulu, at Tawi- Tawi.