GADGETS PAMASKO NG ILOCOS GOV’T SA MGA MAG-AARAL
NAGBIGAY ng 3,890 gadgets ang pamahalaang panlalawigan sa Schools Division Office ng Ilocos Norte bilang pamasko sa mga mag-aaral.
Ito ay bahagi ng programang ‘ligtas’ na balik eskuwela ni Governor Matthew Marcos Manotoc ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Manotoc, marami pa ring estudyante ang hindi lubusang makapag-aral bunsod ng kawalan ng pambili ng gadget at ng internet.
Magkagayo’y siniguro niyang sila’y mabibiyayaan ng gadgets ngayong Kapaskuhan.
Ang 3,890 units ng Samsung Galaxy Tab A ay tinanggap ng SDO Ilocos Norte sa pangunguna ni Division Superintendent Dr. Joye Madalipay.
Laking pasasalamat ni Madalipay kay Manotoc sapagkat tutugunan nito ang matagal nang suliranin ng Department of Education hinggil sa online classes.
“We appreciate the partnership and we look forward to many, many projects together for the betterment of education in the province,” mensahe naman ni Manotoc sa superintendent.
Ang pondo ay hinugot mula sa Special Education Fund ng pamahalaang panlalawigan. Nais ng gobernador na makapagbigay ng tablets hindi lamang sa basic education, kundi pati sa kolehiyo.
Ginagawan na nila ng paraan ang naturang plano para sa simula ng bagong taon ay mas maraming estudyante pa ang makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral.
Sa Enero 4, 2021 ang simula ng ikalawang hati ng akademikong taon sa lahat ng pampublikong paaralang nasa ilalim ng DepEd.