Region

GADGETS MAS MURA KAYSA PRINTED MODULES — DEPED SARANGANI

/ 4 October 2020

ISINUSULONG ng Department of Education Sarangani ang paggamit ng gadgets kaysa pagpi-print ng self-learning modules sa distance learning modality sapagkat ito ay relatibong mas mura at mas episyenteng paraan kumpara sa iba.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Sarangani Curriculum Implementation Division Chief Dr. Donna Panes na napatunayan ng kanilang pananaliksik na mas mura ang pagbili ng gadgets kaysa ang tradisyonal na isinusulong ng DepEd Central na printed modules.

Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng modular modality, ang kanilang dibisyon ay gumagastos ng P10,240 bawat mag-aaral sa buong akademikong taon. Hamak na mas magastos ito kumpara sa mga smartphone o tablet na maaaring mabili mula P2,500 hanggang P5,000 at posibleng tumagal pa ng ilang taon.

Ibinigay niyang halimbawa ang kaso ng Tagaytay Integrated School sa bayan ng Alabel. Ang naturang paaralan ay gumastos umano ng P2,897,920 sa paglilimbag ng mga module ng 283 na mag-aaral.

Kung kikilos naman ang gobyerno para mabigyan ng indibidwal na mga gadget at isang intranet kit ang enrollees, P899,000 lamang umano ang tantiya niyang magagastos at makatitipid ng halos dalawang milyong piso.

Binigyang-diin niya ang paglalaan ng kaukulang pondo para sa intranet – antenna at solar panels – sapagkat kahit na P50,000 ang isang set nito ay makapaghahandog naman ng sabayang serbisyo sa 700 na mag-aaral.

“These [gadgets at intranet] are more convenient to the teachers and to the learners,” diin ni Panes.

Partikular sa kaniyang pinangangasiwaang dibisyon ang implementasyon ng Learning Resources on WiFi Hub for Expanded e-Learning in Sarangani o ‘LR on WHEeLS’. Ito ang flagship project ni Panes na tutugon sa resulta ng kanilang pananaliksik sapagkat e-resources, sa halip na printed modules, ang inihahatid nila sa malalayong lugar.

‘Limited’ access ang naturang programa dahil walang ibang maaaring mapuntahang webpages ang mga mag-aaral kundi yaong may kinalaman sa paaralan.

Matagumpay man ang LR on WHEeLS ay hindi niya maikakailang nagdarahop sila sa gadgets. Sa 66,666 mag-aaral na naabot nito’y 24,835 lamang ang may sariling cellphone o tablet. Ito ang dahilan ng kaniyang masigasig na panawagang pag-ibayuhin ng pamahalaan ang pamamahagi ng mga kagamitan para sa Sarangani at sa buong bansa.