Region

GABALDON SCHOOL SA SOUTHERN LEYTE BINISITA NG DEPED CENTRAL OFFICE

/ 26 February 2022

BINISITA kamakailan ng Department of Education central office ang Gabaldon school ng Malitbog Central School sa Southern Leyte upang kumustahin ang kalagayan ng eskuwelahan matapos ang pananalasa ng bagyong Odette sa lalawigan.

Nagsagawa ng “Color My Heart” ang nasabing eskuwelahan upang ma-divert ang atensiyon at mapangalagaan ang mental at emosyonal na kalusugan ng mga mag-aaral bunsod ng nagdaang kalamidad sa kanilang lugar at ng kinakaharap na pandemya.

Ito ay isang coloring activity na pinagagawa sa mga bata upang maipahayag nila ang mga kanilang nararamdaman sa pamamagitan ng pagkulay kung saan ang bawat kulay ay may katumbas na emosyon.

“Hindi lamang ibinibigay ang psychological first sa mga bata kundi pati na rin sa mga teaching at non-teaching staff,” sabi ni School Disaster Risk Reduction Management Coordinator Ernan La Presa.

“Mahalaga ito kasi dito sila kahit papaano ay nare-relieve mula sa mga kapaitan ng buhay, lalo na sa mga ‘di inaasahang unos,” dagdag pa niya.

Inaasahan ni Principal Aura Aguilar na sa tulong ni DepEd Undersecretary for Administration Alain Del Pascua, kasama ng kanyang team, Region 8 Office, Schools Divisions Office Southern Leyte, local government unit, mga engineer, at iba pang mga katuwang, magtutuloy-tuloy ang pagsasaayos muli ng makasaysayang istruktura.