FOUR O’CLOCK BEAT COVID19 HABIT INILUNSAD NG DEPED-ORIENTAL MINDORO
INILUNSAD kamakailan ng Department of Education Oriental Mindoro-Schools Division Covid19 Task Force ang programang Four O’clock Beat Covid19 Habit na naglalayong mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus sa mga paaralan at opisina.
Layunin din ng nasabing programa na gabayan ang mga guro at kawani tungo sa pagsunod sa mga health and safety protocol, at maitaguyod ang positibong samahan sa pamamagitan ng pagdi-disinfect sa bawat paaralan at opisina sa lugar.
Ang pagpapatupad ng naturang programa ay alinsunod sa DepEd Order No. 14, s. 2020 o ang “Guidelines on the Required Health Standards in Basic Education Offices and Schools.”
Pagpatak ng alas-4 ng hapon, sa loob ng 15 minuto ay magsisimula na ang pagdi-disinfect ng bawat guro sa paaralan sa pangunguna ng School Disaster Risk Reduction and Management Coordinator para sa lingguhang report na ipinadadala sa Division DRRM Office.
Ang programa ay nagpapaalala sa lahat na ngayong panahon ng pandemya, ang kaligtasan ay nasa mga kamay ng bawat isa. Kaya naman, hinihikayat ng kagawaran na ugaliin ang pagsunod sa minimum public health standards at palagiin ang pagdi-disinfect sa mga gamit sa bahay o sa paaralan man.
“Magkakasama nating puksain ang Covid19, sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagkalat nito at mababawasan ang bilang ng mga taong nagkakasakit,” sabi ng DepEd-Oriental Mindoro.