Region

FOOD POISONING SA OCCIDENTAL MINDORO INIIMBESTIGAHAN NA NG DEPED

MASUSI nang iniimbestigahan ng Department of Education ang insidente ng food poisoning sa San Francisco Elementary School sa Sablayan, Occidental Mindoro kung saan 88 mag-aaral at anim na guro ang isinugod sa magkakaibang ospital noong Lunes ng umaga matapos kumain ng lumpiang gulay na ibinenta ng isang vendor sa loob ng eskuwelahan.

/ 12 October 2022

MASUSI nang iniimbestigahan ng Department of Education ang insidente ng food poisoning sa San Francisco Elementary School sa Sablayan, Occidental Mindoro kung saan 88 mag-aaral at anim na guro ang isinugod sa magkakaibang ospital noong Lunes ng umaga matapos kumain ng lumpiang gulay na ibinenta ng isang vendor sa loob ng eskuwelahan.

Sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na base sa inisyal na impormasyon na isinumite sa kanila ng DepEd division office, isang vendor ang pumasok sa nasabing eskuwelahan para magbenta ng merienda sa mga mag-aaral at guro.

Ayon sa department order na inisyu noong 2007, pinagbabawalan ang mga vendor galing sa labas na magbenta ng mga pagkain sa loob ng mga paaralan

“Hindi po tayo dapat pumapayag na may outside vendors na pumapasok sa ating mga paaralan para magbenta ng pagkain kasi gusto nating siguraduhin ‘yung kaligtasan at kalusugan ng mga bata sa schools,” wika ni Poa.

Dagdag pa ni Poa na maaari lamang bumili ng pagkain ang mga mag-aaral sa kanilang school canteen na may kaukulang sanitary at health permits para mag-operate para matiyak ang kaligtasan ng mga bata.

Subalit sinabi ng DepEd official na maaga pa para sabihin kung ano ang magiging sanksyon sa nasabing eskwelahan dahil hindi pa natatapos ang imbestigasyon dito.

“We are still launching the investigation and titingnan muna natin ano ba talaga ang nangyari. We want to go deeper and find out what really is the cause, and we want to know if a vendor really entered the school premises,” ani Poa.

Sinabi rin ni Poa na kaagad nagpadala ng mga nurse ang DepEd division office para suriin ang kondisyon at kalagayan ng mga apektadong mag-aaral at guro.

Kumuha rin, aniya, sila ng food sample para matukoy kung ano ang naging dahilan ng pagsusuka at pananakit ng tiyan ng mga pasyente. Hinihintay na lamang ng DepEd ang resulta ng food sampling test.

Samantala, sinabi ni Poa na karamihan sa mga apektadong estudyante at guro ay nakalabas na ng ospital.

Nagpasalamat naman si Poa sa lokal na pamahalaan sa pagsagot sa mga gastusin sa ospital ng mga apektadong mag-aaral at guro.