Region

FILIPINO AT PANITIKAN PINABIBIGYAN NG IMPORTANSIYA SA COLLEGE CURRICULUM

/ 25 September 2020

UPANG matiyak na patuloy na mapagyayaman ang kamalayan ng kabataan sa sariling wika, kultura at pagkakakilanlan bilang Filipino, isinusulong ni Senador Kiko Pangilinan ang pagtatakda ng yunit sa Filipino at Panitikan sa curriculum sa higher education.

Sa paghahain ng Senate Bill 1838 o ang panukalang Batas sa Pagtataguyod ng Wikang Filipino sa mga Asignatura sa Kolehiyo, sinabi ni Pangilinan na ang pagtuturo ng Filipino sa bawat antas ng edukasyon ay makapagpapataas ng kasanayan sa paggamit ng pambansang wika.

Sa panukala ni Pangilinan, itinatakda na hindi bababa sa siyam na yunit ng asignaturang Filipino at hindi bababa sa tatlong yunit ng asignaturang Panitikan ang isasama sa kurikulum sa kolehiyo.

“Ang patuloy na pag-aaral ng asignaturang Filipino sa kolehiyo ay hindi lamang karagdagang kaalaman para sa mga estudyante mula sa pag-aaral nito sa kanilang Junior at Senior High School kundi pagbubuo ng lahat ng kinakailangang kaalaman sa balarila, ortograpiya, kontekswalisasyon, kasaysayan at iba pang mga kalakip sa pag-usbong ng mas komprehensibo, mapagtanggap at makabuluhang pakikipagtalakayan,” pahayag ni Pangilinan sa kanyang explanatory note.

Batay sa panukala, ipatutupad ito sa lahat ng kurso, sa pampubliko at pribadong higher education institutions.

Iginiit pa ng senador na sa pamamagitan ng pagpapasa ng panukala ay mabibigyang katuparan ang probisyon sa Konstitusyon hinggil sa paglinang sa wikang Filipino.

“Alinsunod sa Artikulo II, Seksyon 17 ng Konstitusyon, kalakip sa nararapat na bigyan prayoridad ng Estado ang edukasyon at kultura upang linangin ang diwang makabayan at pag-unlad ng lipunan,” dagdag pa ni Pangilinan.