Region

FEEDING PROGRAM ON WHEELS UMARANGKADA SA GENSAN

/ 10 November 2020

INILUNSAD ng isang eskwelahan sa Barangay Buayan sa General Santos City ang Feeding Program on Wheels na layong makatulong sa mga estudyante sa lugar.

Sa kabila ng banta ng pandemya at ng pagbabago sa sistema ng pag-aaral, masigasig ang Datu Acad Dalid Elementary School sa Barangay Buayan sa pamamahagi ng masusustansiyang pagkain sa kanilang mga estudyante na kulang sa timbang sa tulong ng Feeding Program on Wheels.

Sa ilalim ng programa, pinupuntahan ng mga opisyal ng eskwelahan ang mga estudyante sa kani-kanilang tahanan upang ihatid ang Nutritious Food Packs.

Sinisigurado ng eskwelahan na walang direct contact sa mga estudyante para sa kaligtasan ng mga ito.

Ayon kay school head Lou Bernardino, naisip ng pamunuan ang naturang inisyatiba upang makatipid ang mga magulang sa pamasahe papunta sa paaralan at pauwi sa kanilang bahay at masiguro na lahat ng feeding beneficiaries ay makatatanggap ng kanilang parte.

Katuwang ng pamunuan ang mga guro at mga magulang mula sa Parent Teacher Association sa paghahatid ng food packs habang kanilang isinasaalang-alang ang mga health and safety protocol  na itinakda sa kanilang komunidad.