FARMERS, OSYs MAKIKINABANG SA BAGONG TESDA TRAINING CENTER SA KAPANGAN, BENGUET
MGA MAGSASAKA at out-of-school youth ang pangunahing makikinabang sakaling maitayo na ang Provincial Training Center ng Technical Education and Skills Development Authority sa Benguet.
Ito ang tiniyak ni Kapangan Mayor Manny Fermin sa ulat-panayam niya sa Laging Handa virtual briefing ng Presidential Communications Operations Office.
Layon umano ng PTC na mas mahasa pa ang kakayahan ng mga magsasaka sa produksyong agrikultural. Gayundin, bibigyan nito ng pagkakataon ang mga out-of-school youth na matutunan ang pagsasaka para maging produktibo at magkaroon ng hanapbuhay sa nalalapit na hinaharap.
Ayon kay Fermin, 80 porsyento ng mga residente ng bayan ay mga magsasaka kaya mainam kung ang mga kursong bubuksan sa PTC ay nakahanay rito.
Batay rin sa pinakahuling tala ng Department of Agriculture, 80 hanggang 85 porsiyento ng highland vegetables ay dinadala sa iba’t ibang panig ng Filipinas. Sa katunayan, ang mga gulay at prutas na ibinebenta sa SM Baguio, sa ibang mga bayan sa Laguna, at malaking bahagi ng Jollibee Food Corp. ay ani ng mga residente ng Kapangan.
“So, ‘yun ang mga programa rito, we have to be sure na tulungan natin ang mga farmers. That is a chance for the people [especially OSYs] in our town to persevere and study at TESDA,” sabi ni Fermin.
Minamadali na ng pamahalaan ang pagtatayo ng PTC para mas maraming mamamayan ang makinabang dito. Kasama sa plano ang pagbibigay ng scholarship sa piling mga residente ng Kapangan.
Kasama ng Kapangan LGU sa programang ito ang TESDA, DA, at si Benguet Representative Eric Yap.