Region

FACE-TO-FACE CLASSES UNTI-UNTING IPATUTUPAD SA LALAWIGAN NG CEBU

/ 17 November 2020

MALAPIT nang bumalik sa face-to-face classes ang mga pampublikong paaralan sa lalawigan ng Cebu makaraang imungkahi ni Department of Education Region 7 Director Dr. Salustiano Jimenez ang pagnonormalisa ng eskwela sa lalong madaling panahon.

Ipinasa ni Jimenez ang proposal na magkaroon ng ‘gradual implementation’ ng face-to-face classes sa mga bahagi ng Cebu na wala nang nakatalang residenteng positibo sa Covid19.

Gayundin, ang mga klase ay dapat na daluhan ng kaunting mag-aaral lamang – iyong masisiguro pa rin ang pagsunod sa protokol pangkalusugan ng Inter-Agency Task Force.

“It will be a gradual implementation. So, we’ll start from the hinterlands and island schools because the student population in those areas are really limited and we can easily implement health and safety protocols, such as observing strict physical distancing,” pahayag ni Jimenez sa wikang Cebuano.

Dalawang araw na pisikal na klase bawat linggo ang nasa isip niya at 50 porsiyento lamang ng mga mag-aaral ang papasok sa bawat silid.

Ang nalalabing tatlong araw naman ay laan sa pagsagot ng mga module, panonood ng audio- visual materials sa DepEd TV, DepEd Commons, at radio-teaching kung kinakailangan.

Ang naturang mungkahi ay suportado ng Cebu Provincial Board na nagpulong noong Nobyembre 9. Sa katunayan ay nakapagsumite na si PB Member Glenn Anthony Soco ng resolusyon bilang suporta sa DepEd 7 noong Nobyembre 16.

Sa susunod na buwan tatalakayin ng IATF ang mga proposal ng mga paaralan sapagkat hindi lamang Cebu ang nagpasa ng ganitong mungkahi.

Nitong nakaraang araw lamang ay pinag-aaralan na rin ng DepEd Zamboanga ang panunumbalik ng face-to-face classes, partikular sa mga bayang wala naman nang kaso ng Covid19.