F2F CLASSES SA CABATUAN HIGH SCHOOL SUSPENDIDO DAHIL SA COVID-19
ISANG linggong suspendido ang face-to-face classes sa isang high school sa Cabatuan, Isabela makaraang magpositibo sa COVID-19 ang ilang guro at estudyante nito.
Nitong Mayo 11, epektibo ang suspensiyon sa Cabatuan National High School sa Barangay Del Pilar alinsunod sa kautusan ni Mayor Bernardo Garcia Jr.
Dahil dito, balik muna sa online at modular learning ang pag-aaral ng aabot sa 2,224 estudyante hanggang sa Miyerkoles, Mayo 17.
Nabatid na 11 guro at dalawang estudyante ang naitalang positibo sa COVID-19 noong Miyerkoles.
Sumailalim na ang mga nagpositibo sa isolation habang patuloy ang contact tracing sa mga nakasalamuha nila.
Patuloy naman ang pagpasok ng ibang teaching at non-teaching staff upang ma-monitor ang distance learning.
Pinahigpit din ang monitoring at pagpapaalala sa mga residente na mag-ingat at sumunod pa rin sa minimum health standards, lalo’t tumaas ulit kamakailan ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.