Region

ESTUDYANTENG BAKWIT HIRAP MAG-ARAL DAHIL SA MAHINANG NET CONNECTION

/ 12 July 2021

BATANGAS- Makaraan ang isang linggong paninirahan sa evacuation center, ramdam na ng mga lumikas dahil sa pag-aalburuto ng Taal Volcano ang iba’t ibang suliranin.

Bukod sa limitadong kilos at kakulangan sa tulog, labis na apektado ang mga estudyante sa kanilang pag-aaral.

Isa si Jeleen Mendoza sa mga dumaing na nahihirapang makapag-aral dahil mahina ang signal sa evacuation center sa Talisay, Batangas

“Pagka po sa internet, nahihirapan po kami gawa po ng mahina po minsan ang signal. Hindi po kami makapag-research ng kailangan sa school,” sabi ni Mendoza.

Sa nakalipas na 24 na oras, 74 na volcanic earthquake ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa Bulkang Taal.

Mataas pa rin ang sulfur dioxide emission na umabot sa halos 6,500 tonelada.

Wala namang naitalang phreatomagmatic eruption sa bulkan subalit nananatili pa rin ito sa Alert Level 3.