ESTUDYANTE NAGING COVID19 POSITIVE DAHIL SA F2F REMEDIAL CLASS SA ISABELA; SCHOOL OFFICIALS LAGOT KAY MEYOR
NAIS papanagutin ni Cauayan City, Isabela Mayor Bernard Faustino Dy ang pamunuan ng isang eskuwelahan sa kanyang nasasakupan na nagsagawa ng remedial class na naglagay sa panganib sa mga mag-aaral na dumalo.
Ayon kay Dy, araw ng Linggo nang magsagawa ng remedial class ang hindi tinukoy na paaralan at makaraan nito ay isang estudyante na dumalo ang nagpositibo sa Covid19 na dahilan para maalarma ang iba pang mag-aaral na nagkaroon ng close contacts sa pasyente.
Agad idinulog ni Dy sa Commission on Higher Education ang insidente kaya naman agad itong nagkasa ng imbestigasyon para mapanagot ang nagpahintulot sa remedial class.
Giit ni Dy, malinaw ang kautusan ng Department of Education na walang magsasagawa ng face-to-face class habang nasa kuwarantina upang mapigilan ang pagkakahawa-hawa sa coronavirus.
Nagbabala rin ang alkalde sa mga paaralan sa kanyang nasasakupan na maging aral ang insidente at huwag nang igiit ang remedial face-to-face class sa mga backlog ng nakaraang school year at gumamit na lamang ng online platform kung kinakailangan.
Samantala, sinabi ni Dy na patuloy rin ang virtual meetings ng mga guro sa bawat paaralan sa kanyang nasasakupan para matiyak na walang sablay sa pagsisimula ng blended learning sa Oktubre 5.