‘ENTABLADONG DE GULONG’ PARA SA KINDER GRADUATES SA DAVAO DEL NORTE
ISANG ‘Entabladong De Gulong’ ang itinayo ng Luna Elementary School sa Davao Del Norte upang gamitin sa graduation ng mga kinder student.
Inihatid ng isang guro mula sa Kapalong, Davao del Norte sa lugar ng mga learner ang mobile stage upang gamitin sa kanilang graduation.
Ito ay upang bigyang pagkilala ang pagsisikap ng mga estudyante sa pag-aaral sa kabila ng pandemya.
Ayon kay Mae dela Cruz ng Luna Elementary School, nais niyang ipadama ang saya sa mga bata dahil napagtagumpayan nila ang School Year 2020-2021 sa kabila ng Covid19 pandemic.
Sinabi ni Dela Cruz na naisipan niyang gawin ang mobile stage dahil may mga estudyante siyang hindi nakapunta sa pictorial para sa gagawing virtual moving-up ceremony.
“Naawa po ako sa mga magulang na religious na kumukuha ng modules tapos hindi ko makunan ng litrato ang kanilang mga anak. Para po ito masuklian ko ang kanilang pagod at hirap sa pagkuha [ng mga modules] at pagtuturo sa kanilang mga anak,” dagdag pa niya.
Inabot ng dalawang araw ang paglilibot ng guro sa mga learner at magulang na hindi nakapunta dahil walang pamasahe papuntang eskwelahan.