Region

ENROLLMENT SA NEGROS ORIENTAL TUMAAS, PUMALO NA SA 187K —DEPED

/ 10 October 2020

TAGUMPAY ang kampanyang Balik Eskuwela ng Department of Education – Negros Oriental dahil batay sa pinakahuli nilang datos ay umakyat na sa 187,038 ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nag-enroll ngayong bagong akademikong taon, mas mataas noong 2019 na 185,878.

Ayon kay Schools Division Superintendent Dr. Senen Paulin, labis nilang ikinatuwa ang mataas na bilang ng enrollees sapagkat patunay itong kahit na may pandemya ay nais pa ring patuloy na matuto ng mga mag-aaral.

Hinasa ng SDO ang lahat ng kaguruan sa lahat ng antas at asignatura para matiyak na mataas pa rin ang kalidad ng edukasyong matatamasa ng mga mag-aaral kahit na walang face-to-face classes.

Ipinaliwanag ni Paulin na inadap ng Negos Oriental SDO ang distance learning modality gamit ang mga limbag na self-learning module.

“The learner works on the module. If there is a grown-up who can assist them, the better. But if none, the teacher is always available for the learner to be assisted through cellphone and home visits,” paliwanag ni Paulin sa isang panayam.

Bawat linggo, dalawang asignatura ang tututukang aralin ng bawat mag-aaral. Walong magkakaibang asignatura ito sa loob ng isang buwan na regular na ia-update ng mga guro.

Sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na malaking suliranin buhat nang magsimula ang klase noong Oktubre 5. Inaasahan pa rin ang pagdagsa ng mga late enrollee na tatanggapin hanggang Nobyembre.