ENROLLEES SA BARMM NANGALAHATI
MAHIGIT SA 50 porsiyento ang ibinaba ng bilang ng mga estudyanteng nag-enroll sa kabubukas pa lamang na akademikong taon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Batay sa pinakahuling datos ng BARMM Basic, Higher, and Technical Education, 305,000 lamang ang bilang ng mga enrolled na estudyante sa publiko at pribadong paaralan. Bumaba ito ng higit sa 50 porsiyento mula sa 611,374 enrollees noong nakaraang taon.
Ayon kay BARMM-MBTHE Minister Mohagher Iqbal, nasiguro nila ang datos nang siya’y bumisita sa ilang mga paaralan sa Barangay Tenorio, Datu Odin Sinsuat, at Maguindanao nitong Oktubre 5.
Nakalulungkot ang balita, subalit sinabi niya na hindi pa huli ang lahat para maabot ang layon nilang pagtaas ng populasyon ng mga mag-aaral hanggang 20 porsiyento pa.
Samantala, kahit na may krisis pangkalusugan ay tiniyak ni Iqbal na ang kalidad ng edukasyon sa rehiyon ay patuloy sa pagtaas. Ang mga online class ay masusing pinangangasiwaan ng mga hinasang guro at ang mga limbag at elektronikong module ay pulidong- pulido.
“I want to assure you that we in the BARMM education ministry are establishing a quality, balanced and inclusive education system in the Bangsamoro,” wika ni Iqbal sa isang panayam sa bayan ng Tenorio.
Karamihan sa rehiyon ay nag-utilisa ng modular at blended learning modality sa pagtuturo dulot ng mabagal at hindi maaasahang internet at cellular signal sa mga probinsya at malalayong nayon.