Region

EDUCATION BEHIND BARS SUSPENDIDO DAHIL SA COVID19

/ 14 October 2020

SINUSPINDE ng Davao Region Bureau of Jail Management and Penology ang pag-aaral ng mga preso sa Davao City para mapigilan ang pagkalat ng Covid19 sa loob ng mga siksikang kulungan.

Ayon kay BJMP Spokesperson Edo Lobenia, pansamantalang  ihihinto ang Education Behind Bars habang hindi pa napag-aaralan nang husto ang mga alternatibong pamamaraan ng paghahatid ng edukasyon nang hindi nangangailangan ng face-to-face classes.

Tinitingnan nilang episyenteng plataporma ang online distance learning, at sa pagdedebelop ng naturang modalidad ay nakikipagkapatiran sila sa University of South Eastern Philippines.

Pagsasaayos ng mga course guide sa distant delivery ang inaasikaso ng USEP. Kinokonsidera nila ang bilang ng enrollees, ang akses sa internet, gadgets, at iba pang posibleng inisyatiba para ang pag-aaral ng persons deprived of liberty ay manatiling maayos kahit na ang lahat ay sadyang nahihirapan.

Naniniwala si Lobenia na mahalaga ang edukasyon, subalit sa ngayon na napapaulat na may mga namamatay na preso sa loob ng kulungan dulot ng Covid19, kalusugan muna ang dapat unahin.

“For now, the BJMP gives much importance on the health and well-being of the inmates especially that the Covid19 infection is very much around,” pahayag ni Lobenia habang sinisigurong babalik naman sa normal na operasyon ang EBB kapag wala nang krisis pangkalusugan.