Region

E-LEARNING CENTER PARA SA MGA ANAK NG MGA KAWAL SA ISABELA BINUKSAN

/ 12 October 2020

BINUKSAN na ng Philippine Army 5th Infantry Division – Isabela ang kauna-unahang military camp sa Filipinas na babahay sa isang e-learning center laan sa mga anak ng mga sundalong naka-enroll sa online classes ngayong akademikong taon.

Ang mga anak at dependent ng mga sundalo ay magkakaroon ng libreng 33mbps WiFi internet access. Mayroon din itong apat na desktop computers at isang printer na nagmula sa Department of Information and Communications Technology.

Pinangunahan ni 5ID Commander Brig. Gen. Laurence Mina ang naturang programa, katuwang ang kaniyang asawa na si Santina na may labis na pagpapahalaga sa edukasyon.

Naniniwala ang mag-asawa na malaki ang gampanin ng mga magulang ngayong panahon ng distance learning. Para makaagapay at magampanan ng mga sundalo ang kanilang tungkuling pampamilya ay masusi nilang binuo ang naturang e-learning center.

Dagdag pa, ang mga sundalong nagtapos ng digring Edukasyon ay maglalaan ng oras para maghatid ng tutorial services sa mga mag-aaral na dadayo rito.

Sabay-sabay na nagbukas ang klase sa mababa at mataas na mga pampublikong paaralan sa Filipinas noong Oktubre 5. Dahil ipinagbabawal ang face-to-face interaction dulot ng Covid19 pandemic ay pansamantalang distance learning ang modalidad ng pagtuturo ng mga guro sa buong Filipinas. Pagsusuma ito ng online classes at self-learning modules.