DEPED-TESDA ‘TWIN’ BUILDING ITATAYO SA DUMAGUETE
DALAWANG gusaling eksklusibo para sa mga mag-aaral ng technical-vocational courses ang itatayo sa lungsod ng Dumaguete sa Negros sa layuning mapataas ang kalidad ng edukasyong hatid ng Department of Education at Technical Education and Skills Development Authority.
Ang ‘Technical-Vocational School and Skills Training Center’ na pinangalanang Calenica G. Pal Building I na nauna nang itinatag ay durugtungan ng kakambal na gusali para mas maraming mag-aaral ang makinabang dito kapag pinayagan nang muli ang face-to-face classes.
Ayon kay DepED Schools Division Office Superintendent Gregorio Cyrus Elejorde, P35 milyon ang badyet noon sa Building I at mas mataas pa ang inilaan ng lokal na pamahalaan para sa Building II.
Tiyak umano itong maglalaman ng mga multi-purpose classroom para sa lecture at laboratory na maghahandog ng mga kursong konstruksiyon, information technology, kalusugan, wellness, manufacturing, turismo, agrikultura, pangingisda, at iba pa.
Nagpasalamat naman si TESDA Dumaguete Director Joel Villagracia kay Mayor Felie Antonio Remollo para sa inisyatibang ito at para sa paglagda sa Deed of Usufruct na nagbibigay- karapatan sa ahensiya na utilisahin ang 10,000 metro-kuwaradong Ecological Park sa Barangay Candau para sa naturang tech-voc center.
Scholarship programs, training and workshop series, at iba pang programa ang inaasahang iaanunsiyo sa mga susunod na buwan bilang paghahanda sa papalapit na pagtatayo ng ‘twin’ building.