DEPED-RIZAL TULOY-TULOY ANG PAMAMAHAGI NG FRESH MILK SA MGA MAG-AARAL
TULOY-TULOY pa rin ang pamamahagi ng fresh milk sa mga batang mag-aaral sa lalawigan ng Rizal.
Sinabi ng Department of Education-Rizal na nitong Lunes ng umaga ay nakatanggap ng fresh milk ang Morong sub-office na ipamamahagi naman sa Tomas Claudio Memorial Elementary School, San Guillermo Elementary School at Lagundi Elementary School.
Nakapaghatid din ng fresh milk sa Jala-jala sub-station na ipamimigay naman sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ng bayan. Ito ay bahagi ng school-based feeding program ng kagawaran.
Ang Bureau of Learner Support Services-School Health Division ng DepEd ang nangangasiwa sa implementasyon ng school-based feeding program-milk feeding program component. Layunin ng programang ito na mapaigting ang nutritional status, classroom attendance at school performance ng mga target beneficiary sa mahigit 85 porsiyento kada taon.
Bukod sa hot meals na ibinibigay sa mga benepisyaryo, namimigay rin ang DepEd ng pasteurized fresh milk o sterilized milk sa mga bata.
Itinuloy-tuloy ng DepEd ang implementasyon ng school-based fedding program para sa akademikong taong 2020-2021 upang mabigyan ng sapat na nutrisyon ang mga mag-aaral sa gitna ng kinakaharap na pandemya.