Region

DEPED REGION 2 OFFICE ISINAILALIM SA LOCKDOWN

/ 10 December 2020

NAKA-LOCKDOWN ngayon ang regional office ng Department of Education sa Cagayan Valley matapos magpositibo sa Covid19 ang isang opisyal dito.

Ayon kay DepEd Cagayan Regional Director Benjamin Paragas, ang opisyal ay nagkaroon ng exposure sa dalawa pang opisyal sa Schools Division sa Cagayan na nagpositibo sa coronavirus.

Sinabi ni Amir Aquino, pinuno ng Region 2 Public Affairs Unit, na isang kaso lamang ng Covid19 ang naitala sa regional office.

“Yung dalawang empleyado na tinutukoy ay doon sa isa sa siyam na schools divisions offices po natin na naka-contact po ng ating iisang case sa regional office,” paliwanag niya.

Agad na nagsagawa ng contact tracing ang kagawaran matapos malaman na may mga nagpositibo sa virus.

Noong Disyembre 7 ay agad na ni-lockdown ang DepEd Region 2 office upang ma-disinfect ang opisina. Tatagal ang lockdown hanggang Disyembre 11.

Ayon sa mga opisyal, isasailalim sa swab test ang lahat ng nakasalamuha ng mga opisyal na nagpositibo sa Covid19.