Region

DEPED NEGROS ORIENTAL TARGET GAWING PILOT AREA NG F2F CLASSES

/ 28 January 2021

ANG NEGROS Oriental ang isa sa mga kinokonsiderang pilot testing area para sa face-to-face classes ng Department of Education, ayon sa pahayag ni Secretary Leonor Briones.

Sinabi ni Briones na ang naudlot na face-to-face dry run nitong Enero ay dapat na gagawin sa Rehiyon 7. Gayunpaman, kahit na nagpapakita ng pagnanais dito si Regional Director Dr. Salustiano Jimenez ay mariin itong tinutulan ni Governor Roel Degamo.

Para makasama sa listahan ng pilot areas ay dapat na kapwa sumang-ayon ang DepEd Regional Office at ang lokal na pamahalaan na kinabibilangan ng mga paaralan. Dahil dito ay hindi na maaaring ilangkap ang Rehiyon 7.

Binanggit ng kalihim na posibleng isama sa pilot testing areas ang Negros Oriental dahil ang bayan ng Guihulngan ay isa sa mga lugar na may pinakakaunting bilang ng batang nahawaan ng Covid19.

Para naman tuluyang mapabilang, ang lokal na pamahalaan ng Negros Oriental ay dapat ding sumang-ayon sa proposal, lakip ang written consent ng mga magulang at health certificates mula sa Department of Health.

Sa ngayon, dahil wala pa namang ‘go signal‘ mula sa Inter-Agency Task Force ay naka-hold pa ang aktuwal na implementasyon.

“But for sure, once the program will be implemented, we will consider Negros Oriental because it is very active in education,” pahayag ni Briones.