Region

DEPED, DOST MAGKATUWANG SA ‘SCIENTECH’ SYMPOSIUM

/ 7 December 2020

HIGIT 600 na mag-aaral ang lumahok sa online symposium hinggil sa scientific social survey at solar power energy na pinangunahan ng Department of Education at Department of Science and Technology noong Disyembre 3.

Ang symposium, na pinamagatang ‘ScienTech: A Virtual Symposium for the Youth of Dumaguete City’, ay may layuning makapagtampok ng samu’t saring paksang tungkol sa pagpapaunlad ng solar power energy systems sa Filipinas, at sa ikaapat na installement nito ngayong taon, napili ng DepEd at DOST na ibida ang katagumpayan ng mga pananaliksik na isinasagawa ng National Academy of Science and Technology.

Ayon kay NAST President Rhodora Azanza, ang programa ay labis na nakatulong hindi lamang sa akademya, kundi sa kabuuang pagtataguyod ng agham at teknolohiya.

Gayundin, pinagkakaisa ng ScienTech ang mga siyentistang makapagpapaangat ng pamumuhay ng bansa sa nalalapit na kinabukasan.

Sinang-ayunan ito ni DOST Region 7 Director Engr. Jesus Zamora sa pagbibigay-kahalagahan sa ganitong uri programa upang maghasaan ng talino ang mga mag-aaral ng matematika, agham, at teknolohiya. Hinihikayat pa nito ang iba pang mag-aaral, partikular yaong nasa hay-iskul, na palakasin ang STEM stand sa SHS at kumuha ng mga kursong kaakibat nito pagdating sa kolehiyo.

Para naman sa pamayanan, ang DOST ay naglunsad ng proyektong Community Empowerment Thru Science and Technology kung saan inilalapit ng ahensiya ang bawat pamayanan sa usaping agham. Ipinakikita ng proyektong ito na mahalagang talakayin ng komunidad ang siyensiya para mabilis na makapagpaunlad ng bayan.

Kaakibat pa ng CEST ang Small Enterprise Upgrading Program.

Nais naman nitong matulungan ang mga micro, small, and medium enterprises na maging updated pagdating sa usapin ng teknolohiya at na huwag mapagal na magsagawa ng inobasyon sa kanilang mga produkto.

Ang ScienTech ay dinaluhan ng mga mag-aaral mula sa Asian College-Dumaguete, Camanjac National High School, Catherina Cittadini School, Colegio de Santa Catalina de Alejandria, Dumaguete City National High School, Hermegilda F. Gloria Memorial High School, Holy Cross High School, Junob National High School, Metro Dumaguete College, Piapi High School, Ramon Teves Pastor Memorial Dumaguete Science High School, Saint Louis School-Don Bosco of Dumaguete, Silliman University, St. Paul University Dumaguete, STI College, at Taclobo National High School.