DEPED DAGUPAN: NO TO ACADEMIC FREEZE
SA GITNA ng mga debate sa kung dapat pa bang ipagpatuloy ang akademikong taon matapos ang sunod-sunod na kalamidad na naranasan ng bansa, partikular ng Luzon, ay nanindigan ang Department of Education Dagupan na walang sapat na dahilan para magpatupad ng malawakang academic freeze.
Sa isang panayam, sinabi ni DepEd Dagupan Superintendent Aguedo Fernandez na ang lahat ng mga paaralang kanyang nasasakupan, mga guro at mga mag-aaral, ay patuloy pa ring ang pagsusumite ng mga academic requirement, nakapag-aaral nang matiwasay, at hindi direktang apektado ng mga magkakasunod na bagyong tumama sa bansa, gaya nina ‘Rolly’ at ‘Ulysses’.
“Hindi nasira iyong mga module ng mga student at lahat ay maayos. Magpapatuloy kami sa pagbibigay ng edukasyon sa mga mag-aaral,” sabi ni Fernandez.
Dagdag pa niya, “The schools division office is ready to fill-in the lack of modules if ever there will be any.”
Gayundin, halos wala naman silang kinakaharap na suliranin tungkol sa online classes at modular learning ngayong panahon ng Covid19.
Pero syempre ay kanselado ang ilang mga patimpalak at harapang gawain gaya ng press conferences, ngunit tinitiyak nilang makapagsasagawa ng alternatibong programang patuloy na hahasa sa kakayahan ng mga guro at mag-aaral.
Sa ngayon ay mayroon silang mga online contest sa pagsulat ng sanaysay, pagguhit ng poster, at iba pang patimpalak nang walang panganib na hawahan ng nakamamatay na sakit.
Wala ring anumang ‘major’ na suliranin tungkol sa kalidad ng mga module at kung mayroon man, paniniyak niyang typographical errors lamang ito.