Region

“DEPED-CAM NORTE ENGINEER TINIYAK NA WALANG BATA NA PUMAPASOK SA TUMUTULONG BUBONG

/ 7 December 2020

Para kay Engr. Julie Fe Pato, hindi hiwalay ang paglilingkod bilang inhenyero sa dekalidad na serbisyong pang-edukasyon na ating ihahandog para sa mga paaralan.

Si Engr. Pato ay Division Engineer 3 ng Department of Education-Camarines Norte province at siyam na taon na bilang inhenyero ng kagawaran.

“Kami ay driven na magsilbi dito sa aming mga estudyante at nandito rin kami para tulungan ang aming guro at mga school head ng DepEd. We are here for technical assistance and kami ay laging ready para sumagot sa mga teknikal nilang katanungan,” sabi ni Engr. Pato.

Anya, tuwing may kalamidad at pagkatapos ng kalamidad, ang Educational Facilities Section kasama ang office ng Schools Division Superintendent at ang DRR [Disaster Risk Reduction] ay umiikot sa mga paraalan para i-validate ang mga typhoon damage.

“And when it comes to facilities, dahil under kami ng plano ng DepEd central office nandoon ang mga plano about sa water and sanitation facilities dahil nga sa paghahanda sa face-to-face learning. And nandiyan din ang mga plano about sa improvement pa rin ng ating electrification o pagbibigay ng transformers sa mga malalaking eskwelahan. Nandiyan din ang plano about sa pagtatayo ng admin building. Nandiyan din ang plano about sa pagtatayo ng school clinic. So, ang Education Facilities Section ng Camarines Norte ay nagpapasa ng mga request sa central office para doon. And kami po sa Educational Facilities Section ay nagpri-prepare din ng mga program of works lalo kapag may kalamidad,” paliwanag niya.

Bilang head ng Education Facilities Section, si Engr. Pato ang nagiging instrumento para maibigay sa paaralan ang mga pangangailangan nito, maging ito man ay bagong classroom, bagong chairs, water at sanitation facilities.

Inspirasyon niya ang mga guro at punong guro na naglilingkod nang tapat at buong-puso alang-alang sa pagmamahal sa edukasyon at kabataan.

“Ang aking vision at aking inaasam na mangyari ay wala nang bata na pumapasok sa paaralan na may tumutulong bubong. Lahat ng bata ay nasa isang spacious at maayos na silid-aralan, kung saan sila ay nakakapag-aral nang maayos, nakakakinig sa kanilang mga guro nang maayos at natututo,” pagwawakas niya.