DEPED CALABARZON TODO ANG SUPORTA SA TEACHERS IN DISTANCE LEARNING
TINIYAK ni Department of Education Calabarzon Regional Director Wilfredo Cabral na hinding-hindi nila pababayaan ang lahat ng mga guro sa rehiyon ngayong uutilisahin ng kagawaran ang blended distance learning sa panahon ng pandemya.
Inihayag ni Cabral sa Sulong Calabarzon online program na naipamahagi na ng kanilang opisina ang sapat na pondo para sa lahat ng kinakailangang learning resources ng bawat guro, sabay sa masigasig nilang paghahanda sa papalapit na pasukan sa Oktubre 5.
Kasama na rin dito ang budget para sa printing ng modules, implementasyon ng online learning, at television at radio-based instructions.
Samantala, naka-work from home naman ang kalakhan ng mga guro sa Calabarzon upang mapangalagaan ang kani-kaniyang kalusugan at upang mapigilan ang pagkalat ng Covid19 virus.
Bukod sa kalagayan ng mga guro, tinututukan din ng DepEd ang mga mag-aaral. Tuloy-tuloy ang komunikasyon ng mga adviser at subject area teachers sa mga bata’t magulang habang hinihikayat ang iba pang humabol sa enrollment.
Sa huling datos ng DepEd Central ay nasa tatlong milyon ang nakapag-enroll na sa naturang rehiyon na inaasahang tataas sa mga susunod na linggo. Tatanggap din ng late enrollees ang mga public school hanggang Nobyembre.