CYBERLIBEL, MALIKHAING PAGSULAT, AKSYONG PANANALIKSIK TINALAKAY SA UNANG LSPU-THE POST LECTURE SERIES
MATAGUMPAY na naisagawa ng Laguna State Polytechnic University College of Teacher Education at ng The Philippine Online Student Tambayan ang una nitong lecture series tungkol sa peryodikong pangkampus at aksyong pananaliksik noong Enero 29-30 via Zoom at Facebook Live.
Layunin ng tipanan ng LSPU at The POST na nakapaghatid ng serye ng mga lekturang makaagapay sa tuluyang pag-aaral ng mga estudyante at guro ngayong panahon ng distance learning modality.
Ang unang series ay umikot sa mga pangunahing usapin ng peryodikong pangkampus at aksiyong pananaliksik na pinangunahan ng batikang manunulat na si Prop. Eros Atalia at ng resident lawyer ng The POST na si Atty. Renfred Tan.
Dinaluhan ito ng mahigit 1,000 mag-aaral at guro mula sa Laguna at sa iba pang panig ng Filipinas mula Luzon, Visayas at Mindanao, hanggang overseas.
Cyber Libel sa Filipinas
Mainit at kontrobersiyal na usapin hinggil sa cyberlibel ang pambungad na lektura ni Tan. Umikot ang kanyang diskusiyon sa legal na basehan ng libelo, sa bigat at salimuot na proseso nito mula sa tunggalian ng dalawang panig hanggang korte, at sa iba pang mga isyung nakayakap sa social media at digital information.
Ayon sa kanya, mainam na ito ang simula ng lecture series sapagkat cyber libel, freedom of speech, at freedom of the press ang palagiang itinatanong ng mga guro at mag-aaral sa tuwing siya’y naiimbitahang maghatid ng talakayan tungkol sa peryodismong pangkampus. Hindi pa kasi batid ng kalakhan ang nilalaman ng batas ukol dito, partikular sa sanga-sangang sitwasyon kung paano masasabing libelo nga ang pahayag na nakita sa social media o isang simpleng mensahe lamang.
Tinutukan niya ang konsepto ng ‘malice’. Mayroon itong dalawang mukha, ang malice ‘in law’ at malice ‘in fact’. Kadalasan, kung malice in law, ang ‘offended’ party rito ay indibidwal. Ang malisya rin ay presumed at hindi na kailangan pang patunayan kung may malisya ngang talaga o wala ang isang artikulo, lalo na kung ang ubod nito’y patungkol mismo sa buhay ng partido.
Sa malice in fact naman, ang ‘offended’ party ay isang public figure. Kabaligtaran sa malice in law, hindi presumed ang malisya rito at dapat na patunayang positibo nga ang pagnanais, desire at intensyon ng manunulat upang yumurak ng pagkatao.
Si Tan ay abogado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation. Naging Associate siya sa Palafox Patriarca Romero & Mendoza Law firm at dito niya nakuha ang karanasan sa general litigation practice. Nagtapos siya ng Bachelor of Laws sa San Beda University at ng BA Sociology sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman.
Malikhaing Pagsulat sa Filipino
Si Tan ay sinundan ng interaktibong talakayan tungkol sa Malikhaing Pagsulat sa Filipino na hatid ng isa sa mga tinitingalang manunulat sa bansa, si Prop. Eros Atalia.
Pinamagatan ni Atalia ang kanyang lektura na ‘Pagkatha sa Gitna ng Pandemya’ sapagkat tutok ng introduksyong talakay ang pagsulat at iba pang konsiderasyon mula nang sumapit ang lockdown at pandemya sa Filipinas.
Sinabi niya na walang formula sa pagsusulat. Malaya ang sinuman na isiwalat ang kanyang opinyon o nararamdaman sa isang bagay o sitwasyon sa malikhaing paraan. Sa kung bakit din ito nagiging ‘malaya’ ay dahil kailanman o saanman, hindi makukulong sa kahon at matematikal na pormularyo ang pagsulat – gaya ng pag-iisip.
Para naman maging epektibo sa larangan, binigyang-diin ng propesor ang halaga ng metaphysical value judgment – ‘ano ba talaga ang pagtingin ko sa sarili ko at sa mundo’ – datapuwa’t dito umaangkla ang likhang sining na iniluwal ng indibidwal.
Naging interaktibo ang isang oras na pagbabahagi ni Atalia sapagkat binigyan niya ng pagkakataong magbukas ng mikropono via Zoom ang mga kalahok na gustong magbigay ng opinyon at magbasa ng ilang mga inihanda niyang tula. Nagpasalamat naman silang lahat dahil marami silang natutunang bagong kaalaman mula sa award-winning na manunulat.
Kilala si Atalia na may-akda ng walong aklat ng nobela, maikling kwento, dagli, at sanaysay. Nagwagi sa National Book Awards, Best Book in Filipino Novel ng National Book Development Board ang nobela niyang “Ang Ikatlong Anti Kristo”. Naisapelikula na sa Cinemalaya at na- adap bilang musicale ang kanyang aklat na “Ligo na U, Lapit na Me” at naitanghal na rin sa 8th Cinemalaya ang kanyang kwentong “Si Intoy Syokoy ng Kalye Marino”. Isasapelikula ng Viva Entertainment ang dalawa niyang nobela, kung saan si Atalia rin ang nagsulat ng iskrip. Kasalukuyan din siyang nagtuturo ng Creative Writing, Literature, at Screenwriting sa De La Salle University Manila.
Aksyong Pananaliksik
Bumalik si Atalia kinabukasan para muling maghatid ng mga bagong kaalaman, ngayon naman tungkol sa pagsulat ng aksyong pananaliksik.
Mahalaga ito sapagkat nakaatang sa kamay ng mga guro at mga magiging guro ang pagtaas ng kalibre ng edukasyon sa pamamagitan ng pagsulat at paglimbag ng mga komprehensibo, sistematiko, makatotohanan, at mapagkakatiwalaang aksyong pananaliksik.
Hinati ni Atalia ang kanyang dalawang oras na lektura. Ang unang bahagi’y tungkol sa ‘basics of research’ o ang pagsulat ng mga proposal. Kasama rito ang introduksyon, suliranin, layunin, kahalagahan ng pananaliksik, saklaw at delimitasyon, metodo, etika, at rebyu ng mga kaugnay na pag-aaral.
Sumunod ay ang usapin hinggil sa paggamit ng online sources. Diniin niya sa bahaging ito ang pagiging mapanuri at kritikal. Hindi umano lahat ng mababasa sa internet ay maaari nang gamitin sa saliksik sapagkat naglipana ang mga unverified fact na kung minsan ay pinabulaanan, fake news, disinformation, at misinformation.
Pangatlo’y akademikong pagpapaliwanag sa kaligiran ng ‘action researches’. Ang bawat AR ay maaaring tuwiran o hindi tuwirang nararanasan ng nagsasagawa ng research, mayroon itong layuning praktikal na makatugon sa problema o isyung kinasasangkutan ng participants mula sa simula hanggang katapusan ng pananaliksik.
Binalikan ni Atalia ang special report ng The POST hinggil sa ‘research buy and sell’ sa pagitan ng mga guro. Noong nagdaang linggo kasi’y umingay sa Facebook ang screenshots na naglalaman ng transaksyon ng mga guro sa pagbili ng ‘ready-made’ researches para sa ranking at funding.
Bagaman malalim ang suliraning inaangklahan ng naturang isyu, sinabi ng propesor na hindi dapat bumibili ng pananaliksik. Bilang mga guro, nararapat na maging tapat at maging sikhayan ng etika sa anumang oras.
Tuluyang Akademikong Talakayan Sa Panahon ng Pandemya
Malaki ang pasasalamat ng pamunuan ng LSPU sa The POST para sa malalimang talakayan hinggil sa peryodikong pangkampus at aksiyong pananaliksik. Kitang-kita sa mata ng mga dumalo na sila’y umuwi ng may baong mga bagong kaalaman mula kina Tan at Atalia.
Siniguro ni LSPU President Mario Briones na magpapatuloy sa pamantasan ang ganitong klase ng gawain dahil maraming mag-aaral at guro ang nakikinabang sa mga pagsasanay na kagaya nito.
Batay sa pinakahuling tala, higit sanlibong attendees ang nakapakinig sa tatlong paksang tinalakay sa unang lecture series. Inaasahan na magpapatuloy pa ang gawain sa mga darating pang buwan dahil dapat na tuluyan pa rin ang mga akademikong talakayan sa panahon ng pandemya.
Pinaplantsa na ng LSPU at The POST ang mga susunod na paksa. Libre at bukas pa rin ito sa lahat ng mga interesado.
Ang LSPUxThePOST Lecture Series ay hatid ng The POST, LSPU College of Teacher Education, Meralco, San Miguel Corporation, Sogo, Dreamworld, at Calcium-Cee.