COVID19 CASES SA PMA NADAGDAGAN PA: 53 KADETE, 16 WAITERS, 3 COOKS
MATINDING pag-iingat ang ipinatutupad ngayon sa Philippine Military Academy sa Fort del Pilar sa Baguio City sa harap ng patuloy na pagdami ng kaso ng Covid19.
Una nang kinumpirma ng health department sa lungsod na dumarami ang kaso ng Covid19 sa nasabing military school kung saan maging ang ilang kadete, military at civilian personnel ay nahawaan na ng virus bago pa pumasok ang 2021..
Ayon kay Department of Health-Cordillera Director Dr. Ruby Constantino, pinalawak na nila ang testing procedures sa PMA kung saan sa resulta noong Enero 4, 2021 ay aabot na sa 72 ang nagpositibo sa virus, kabilang na ang 53 kadete, 16 waiters, at 3 cooks.
Base sa nag-leak na impormasyon noong Disyembre 30, may 53 kadete ang infected ng virus matapos na mag-mass testing ang akademya makaraang makitaan ng sintomas ang ilang kadete tulad ng pag-ubo at pagkaginaw.
Una nang inihayag ng PMA na lahat ng positive patients ay nasa mabuting kalagayan dahil karamihan ay asymptomatic kung saan lahat ng kanilang pangangailangan ay natutugunan naman.
Ipinahayag din ni Dr. Constantino ng DOH-CAR na nag-request ang PMA ng karagdagang 1,000 test kits para sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.