CLASSROOMS SA BACOLOD GAGAWING COVID19 VACCINATION CENTERS
INANUNSYO ng pamahalaang lokal ng Bacolod na gagawing Covid19 vaccination centers ang mga public school classroom at gymnasium
kapag dumating na sa bansa ang bakuna.
Ayon kay Councilor Renecito Novero, inaasahan nilang magkaroon ng hindi bababa sa 20 clustered vaccination centers na maaari pang madagdagan sa oras na matukoy na ang pinal na bilang ng mga residenteng interesadong magpabakuna.
Nang tanungin kung may pahintulot ito ng Department of Education ay sinabi niyang nakahanda naman ang kagawaran na gamitin ang mga eskuwelahan sa pagpapabakuna.
Sa pulong ng Bacolod Covid19 Vaccination Council ay tinalakay ang pagpopondo at iba pang lohistikal na alalahanin sa isasagawang pagbabakuna.
“We also tackled the possible funding for each center and holding areas to provide safe, convenient, and expeditious administration of vaccines,” sabi ni Novero.
Sa susunod na linggo ay inaasahang ilalabas ang listahan ng mga eskwelahan na posibleng gamiting vaccination centers.