CHED-LANDBANK CASH CARD NAIPAMAHAGI NA SA CEBUANO SCHOLARS
NASA 50 mag-aaral ng Cebu Technological University ang inisyal na nakatanggap ng pinakabagong Landbank Cash Card na pagdadalhan ng stipend at iba pang allowances ng Commission on Higher Education Tertiary Education Subsidy.
Bunga ito ng partnership ng Landbank at ng CHED upang mapabilis ang paghahatid ng allowance ng kanilang mga iskolar lalo ngayong may matinding panganib na dala ang Covid19.
Labis na natutuwa ang estudyanteng si Marc Aquino sa naturang programa sapagkat mabilis na niyang natatanggap ang pantustos niya sa pag-aaral, pagbili ng mga libro, at pampa-load ng internet para sa online classes.
“Having the Landbank MasterCard Prepaid Card as a means of providing or giving financial assistance is a really good idea since everything is limited nowadays, especially in going outside,” wika niya sa PIA.
Isa sa mga feature nito ay ang pag-eenroll ng account sa mobile application at website ng Landbank. Isang pindot lamang ay maaari nang matsek kung pumasok na sa kani-kaniyang account ang monthly stipend mula sa CHED.
Nasa pilot testing stage pa ang cash card dahil inaaral pa kung epektibo nga ang pamimigay nito sa mga iskolar kumpara sa pagpila at personal na pagkuha ng salapi sa mga lokal na pamahalaan.
Samantala, patuloy ang pagrolyo ng cash card sa iba’t ibang state universities and colleges. Target ng CHED at Landbank na maisapinal ang programa ngayong taon.