Region

CERILLES STATE COLLEGE SA ZAMBOANGA PINAPAPALITAN ANG PANGALAN

/ 17 December 2020

NAGHAIN si Zamboanga del Sur Second District Representative Leonardo Babasa, Jr. ng panukalang batas na layong palitan ang pangalan ng panlalawigang kolehiyo para ito’y maging mas inklusibo.

Ang Panukalang Batas Blg. 3054 ni Babasa o ang ‘Act Changing the Name of Josefina H. Cerilles State College (JHCSC) to Zamboanga del Sur State College (ZdSSC)’ ay may sentrong layunin ng paghahayag na ang naturang kolehiyo ay pag-aari ng sambayanan at hindi ng iisang tao o pamilya lamang.

Ipinaliwanag ni Babasa na si Josefina Cerilles, kung kanino isinunod ang ngalan ng kolehiyo, ay ang dating Schools Division Filipino Supervisor na asawa ni noo’y Gov. Vicente Cerilles.

Ang anak naman nitong si Congressman Antonio Cerilles ay dating appointee ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang kahilim ng Department of Environment and Natural Resources.

Iginiit ni Babasa na ang paaralan ng bayan ay hindi dapat bahiran ng apelyido ng sinuman, lalo pa’t hindi naman mula sa pananalapi nito ang patuloy na pag-usbong nito kaya isinusulong niya na tawagin itong Zamboanga del Sur State College.

Marami namang mga guro at residente ang nagpakita ng suporta sa panukalang batas.

Nagsimula sa iisang gusali sa bayan ng San Miguel, ang JHCSC ngayon ay binubuo na ng magkakaibang kampus sa buong lalawigan, nagtuturo ng samu’t saring kursong akademiko para sa mga Filipino.