Region

CENTRAL MINDANAO U STUDENT WAGI SA NATIONAL E-COMICS MAKING CONTEST

/ 10 November 2020

NAPAGWAGIAN ng isang Marketing Management student ng Central Mindanao University ang kauna-unahang National E-Comics Making Contest noong Nobyembre 3.

Pinamagatang ‘Ang Diskarte ni Antonio’, ang komiks ni Justine Ceasar Andamon ang itinanghal na pinakamahusay na likhang sining sa patimpalak na pinangunahan ng Department of Trade and Industry sa pagdiriwang ng Consumer Welfare Month noong Oktubre.

Ang komiks ay tungkol sa kuwento ni Antonio sa kung paano niya napagtagumpayang umahon mula sa pagkakalugmok ng negosyo sa tulong ng mga digital platform ng DTI, webinars, at ayuda ng kagawaran para sa micro, small, at medium enterprises sa gitna ng krisis pangkalusugan.

Tumanggap si Andamon ng P30,000 na gift check, bukod sa P10,000 cash bilang regional qualifier, at P3,000 cash sa provincial qualifying round.

Pumangalawa kay Andamon ang ‘Consumer Rights and Responsibilities’ ni Maria Nona Redulla ng La Salle University – Ozamiz, Misamis Occidental. Pangatlo naman ang ‘Crops in the Can’ nina Shirielle Mae Manaya, Branjes Romeliet Illbe Xamryje Villaflor, at Rose Gabrielle Fuentes ng Lourdes College, Lungsod ng Cagayan de Oro.

Ang E-Comics Making Contest ng DTI ay nilahukan ng 16 na mga indibidwal/pangkat mula sa Hilagang Mindanao. Layon nitong magpakalat ng impormasyon tungkol sa mga consumer program ng kagawaran at sa pagtugon sa mga suliraning pangkonsyumer  gamit ang digital technology.