Region

‘CAMPUS JOURN CONVOS’ INILUNSAD SA ILOILO

/ 5 October 2020

SINIMULAN na ng Philippine Information Agency ang programang ‘Campus Journ Convos’, isang serye ng webinar tungkol sa pagsusustena at pagpapaunlad ng mga pahayagang pangkampus sa gitna ng lumalalang krisis pangkalusugan sa buong Filipinas.

Ang unang leg ng programa ay inilunsad sa PIA Region 6, partikular sa lalawigan ng Iloilo. Susundan ito ng mga pagsasanay sa iba pang bahagi ng Visayas at sa mga piling paaralan sa Luzon at Mindanao.

Ayon kay PIA Region 6 Chief Jemin Guillermo, tampok ng mga school publication ang pag-utilisa ng virtual at social media platforms bilang lunsaran ng mga balita, opinyon, lathalain, at iba pang sulating dyorno.

Makatutulong umano ang Campus Journ Convos para makalasagan ang mga batang manunulat sa wastong paggamit ng social media bilang midyum ng pamamahayag.

“This is the ‘new normal’ trend of capacitating our student writers, whom we consider as those who have a greater role of molding our society, being empowered communicators,” mensahe ni Guillermo.

“Through campus journalism, these young student writers and editors have become major key players in societal transformation, being trained as development communicators,” dagdag niya.

Ang Campus Journ Convos ay magaganap dalawang beses sa isang linggo kung saan naglalaman ito ng mga araling tungkol sa development communication, pagsusulat ng balita, lathalain, editorial, opinyon, balitang pampalakasan, pagkrosis ng mga e-newspaper, photojournalism, at iba pang usaping pangmanunulat.

Sa Zoom gaganapin ang webinars na ieere rin sa opisyal na Facebook page ni PIA.