CAGAYAN STATE U, DENR MAGKATUWANG SA BAMBOO PRODUCTION
PORMAL nang nilagdaan ng Cagayan State University at Department of Environment and Natural Resources ang memorandum of agreement na magtitiyak sa pagpapaunlad ng mga plantasyon ng kawayan sa lalawigan ng Cagayan sa mga susunod na taon.
Ang CSU ay nakatanggap ng P2.6 milyong badyet para sa mga proyektong angkla sa pagpoprodyus ng 76,500 dekalidad na mga kawayan sa 375 ektaryang lupain, alinsunod sa National Greening Program ng DENR at ng Panlalawigang Pamahalaan ng Cagayan.
Komyunal ang unang dagsa ng programa na ngayo’y nangangailangan na ng tulong ng mga eksperto. Partikular sa estadong ito, CSU ang pinakamahusay na katipan, ayon sa DENR.
“The DENR under Secretary Roy A. Cimatu is now gearing toward developing bamboo plantations as sustainable source of food and for alternative wood source in the country,” sabi ni DENR Regional Director Gwendolyn Bambalan at binigyang-diin niya ang malaking papel na gagampanan ng CSU sa mga susunod na taon.
Ikinatuwa naman ni CSU President Urdujan Tejada ang pagtitiwalang ibinigay ng naturang ahensiya.
Sa tulong ng mga propesor at mananaliksik nilang may tuon sa produksiyon ng kawayan at pangangalaga ng kapaligiran ay tinitiyak niyang hindi masasayang ang tipanang ito na posibleng palaganapin pa sa ibang bahagi ng Filipinas.
Kasamang dumalo nina Bambalan at Tejada sa MoA signing sina Provincial ENR Officer Ismael Manaligod at CSU Campus Executive Officer Froilan Pacris, Jr.