Region

BULACAN STATE U MAGTUTURO NG TECHVOC SKILLS SA MGA SUNDALO

/ 25 September 2020

ANG BULACAN State University – Malolos at 304th Bulacan Ready Reserve Infantry Battalion ang mga katipanan ng Philippine Army 48th Infantry Battalion sa pagnanais ng hukbong magkaroon ng panuluyang edukasyon tungkol sa technical and vocational skills ngayong panahon ng pandemya.

Ituturo ng BulSU ang mga mahahalagang larang ng Industrial Technology gaya ng wiring, automotive, video editing, welding, at iba pang gawaing pagkukumpuni sa piling mga miyembro ng 48th IB.

“Ang pag-aaral ay kailanma’y hindi dapat matigil,” paniniwala ni 48th IB Commander Officer Lt. Col. Felix Valdez, kung kaya ang pagpayag ng BulSU na maging katuwang na unbersidad ay labis niyang ikinagagalak.

Para naman kay BulSU President Cecilia Gascon, tungkulin nilang magbigay ng pinakamataas na kalidad ng edukasyon hindi lamang sa mga mamamayan ng lalawigan kundi pati sa kung sinuman ang nagnanais nito, gaya ng hukbong sandatahan.

Sa College of Industrial Technology iniatang ni Gascon ang kabuuang proyekto. Ang naturang kolehiyo ang maghahanda ng mga kalipikadong tagapagsanay, tutulong sa superbisyon, monitoring, at ebalwasyon ng buong programa, kasama ang 304th RRIB.

Istrikto rin namang susundin ang pamantayang pangkalusugan ng Inter-Agency Task Force at ng Department of Health upang hindi magkaroon ng transmisyon ng virus habang dumadalo ang sinuman sa mga nakapilang gawain.