BRGY SA PANGASINAN MAY LIBRENG PRINTING SA MGA ESTUDYANTE
BILANG proyekto ng Sangguniang Kabataan ng Brgy. Piaz, Villasis, Pangasinan ay magkakaloob ito ng libreng pag-imprinta para sa mga estudyante ng barangay.
Ayon kay SK Chairman Max Valdez Jr., maaaring ipadala sa kanya ang mga kailangang ipa-print ng mga estudyante at ihahatid din ito ng SK sa bawat tahanan ng mga bata tuwing Sabado at Linggo.
Dahil karamihan ng mga estudyante sa elementary at high school ng Piaz ay gagamit ng modular learning, pinili rin nito na mamahagi ng table laptops at tripod para sa 110 college students upang makatulong sa kanilang online classes.
“It is for college students lang po dahil nga po sa limited ang budget and ‘yung karamihan po ng HS students po namin dito e modular po ang pinili hindi po online class,” pahayag ni Valdez sa The POST.
Bukod dito, namigay rin ang SK ng bond papers sa elementary schools, high schools at day care centers.
Bago pa man ang pandemya, nagkaroon na ng proyekto ang SK na “plastic bottles mo, print ko,” kung saan katumbas ng mga ibibigay na plastic bottles ng mga estudyante ay libreng print ng kanilang mga gawaing pang-eskwelahan.