Region

BILIRAN PROVINCE STATE UNIVERSITY ISA NANG SPECIAL ECONOMIC ZONE INSTITUTE

/ 4 October 2020

KASADO na ang kasunduan ng Philippine Economic Zone Authority at ng Biliran Province State University na gawing isang Special Economic Zone Institute ang naturang pamantasan upang makapanghikayat pa ng mas maraming programang ekonomikal ang lalawigan at ang buong rehiyon ng Silangang Visayas.

Ang BiPSU ang natatanging pamantasan sa buong Biliran kaya panibagong hamon na naman ang kanilang susuungin ngayong sila’y isa nang SEZI.

Bilang economic institute, ito ang inaasahang maghahanda ng major facilities para sa lahat ng aktibidad ng PEZA sa Biliran. Maglalaan din ito ng isang tiyak na institusyong tututok sa mga pananaliksik, pakikipagkapatiran, pagsasanay, pagkakatha ng mga polisiya, programa, at iba pang proyektong makapagpapaunlad ng usapin ng export-based investments sa Biliran at buong Visayas.

Ang BiPSU ang hinuhulma upang  maging Center of Leadership Excellence and Management Innovation na may  kiling sa economic zones administration sa rehiyon at buong Filipinas.

Layon ng PEZA na ang BiPSU ang maging lider ng programa nang pamarisan ng iba pang unibersidad at pamantasan sa iba pang panig ng bansa.

Sa isinagawang birtwal na oath-taking ceremony ng SEZI Secretariat, sinabi ni Dr. Victor Canezo, Jr. na tinatanggap nila ang hamon ng PEZA at ng pamahalaan para pangasiwaan ang naturang tungkulin.

“BiPSU has accepted the challenge as the program-delivering partner of the Philippine Economic Zone Authority in the installation and foundation of the Special Economic Zone Institute in Region 8,” wika ni Canezo.

Nagpahayag naman ng suporta si Biliran Governor Rogelio Espina at nagwikang hindi nila pababayaang mag-isa ang pamantasan sa anumang gawain nito. Lahat ng suportang kayang ibigay ng panlalawigang pamahalaan ay matatanggap umano nila nang buong-buo.

Dumalo rin sa birtuwal na oath-taking at online launching ng SEZI sina PEZA Director General PBGen. Charito Plaza at National Economic Development Authority Eastern Visayas Director Meylene Rosales.