BILANG NG ENROLLEES SA NEGROS OCCIDENTAL BUMABA
BUMABA ang bilang ng mga nagpa-enroll sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan sa Bacolod City at iba pang munisipalidad sa Negros Occidental.
Sa datos ng Department of Education-Negros Occdential, lima hanggang 16 na porsiyento ang ibinaba ng mga enrollee sa nasabing lalawigan para sa School Year 2023-2024.
Hanggang September 5, ang numero ay batay sa quick count mula sa Schools Division Offices ng Negros Occidental at mga lungsod ng Bacolod, Bago, Cadiz, Escalante, Himamaylan, Kabankalan, La Carlota, Sagay, San Carlos, Silay, Sipalay at Victorias.
Ang mga enrollee ngayong taon sa nasabing lalawigan ay nasa 314, 412 na mababa ng 23,435 sa 337,847 enrollees noong 2022.
Ang mga nagpa-enroll ngayong taon sa Bacolod ay nasa 143,696; Bago – 41,184; Cadiz -41,229; Escalante -24,683; Himamaylan -29,176; Kabankalan -55,772; La Carlota -18,027; Sagay -41,499; San Carlos -33,068; Silay -32,010; Sipalay -19,898, at Victorias – 24,020.
Ang pagbaba ng bilang ng enrollees ay mula elementarya hanggang sekondarya.
Umaasa naman si Ian Arnold Arnaez, spokesperson ng SDO-Negros Occidental, na madaragdagan ang bilang ng enrollees dahil patuloy pa ang admission.
Magugunitang mismong ang DepEd main office na ang nagpahayag na tatanggapin ang late enrollees hanggang ngayong Setyembre.