Region

BAYANIHAN SUSI SA PAGPAPATULOY NG EDUKASYON

/ 1 December 2021

PINANGUNAHAN ni OIC-Schools Division Superintendent Merlina Cruz ng Schools Division Office ng San Jose Del Monte City ang iba’t ibang inisyatiba at pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at pribadong sektor na naging susi sa hindi matatawarang bayanihan para sa mga mag-aaral.

Sa kasagsagan ng pandemya, naglabas si SDS Cruz ng mga panuntunang titiyak sa kaligtasan ng mga mag-aaral, magulang, at ng komunidad na bahagi ng proyektong Healthy San Joseño Ako at Bantay Covid19, Ligtas na Paaralan/Opisina, at ng probisyon ng medical, protective equipment, at flu vaccine.

Inilunsad din niya ang May Kasama Ka FB Page, Teknougnayan, Teleconsulting Services, at Text Kumustahan, na isang Psychological First Aid, at Mental Health and Psychological Support Services.

Sa kanyang pagsusumikap na makipagtulungan sa lokal na pamahalaan, nakapagbigay sila ng 60 laptops at USB OTG sa lahat ng paaralan, at desktops para  sa San Rafael High School at Guijo Elementary School.

Nagbigay rin sila ng mobile broadband para sa mga guro at kawani ng CSJDM, satellite receivers para sa limang paaralan, at reproduction machines at 58 digital photocopiers sa lahat ng paaralan.

Hindi matatawaran ang kanyang nabuong samahan sa stakeholders, kaya naman buo ang ibinigay na suporta ng lokal na pamahalaan ng siyudad, mga pinuno ng Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan, mula sa pick-up at retrieval ng self-learning modules hanggang sa pagbuo ng iba’t ibang inisyatiba para sa kapakanan ng mga mag-aaral.

Habang ang pandemya ay sinusubukan tayong paghiwa-hiwalayin, nagawa ni SDS Merlina na patibayin ang ugnayan sa lokal na pamahalaan ng CSJDM at mga pribadong institusyon para sa pagpapabuti ng edukasyon ng kabataan.

Hindi niya inalintana ang anumang pagod, bagkus mas isinulong niya ang bayanihan at pagmamalasakit dahil alam niyang ang pagtupad sa pangarap at paghubog sa mga mag-aaral ay isang pinagtutulungang gawain.

“The SDO CSJDM is transparent in informing the public, our clientele and our stakeholders including the local government unit that’s why we were able to get support from different partners and stakeholders,” ani SDS Cruz.