BATASAN NATIONAL HS SA COTABATO NAKATANGGAP NG BAGONG COMPUTER SETS
SAMPUNG bagong computer sets ang ibinigay ng Japan International Cooperation Agency, sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry, sa pamunuan ng Batasan National High School sa Barangay Batasan, Makilala, Cotabato noong Nobyembre 26.
Ang computer sets ay nakapaloob sa programang Personal Computers for Public Schools na programa ng DTI at ng Japanese government.
Bawat set ay naglalaman ng monitor, central processing unit, printer, keyboard, mouse, at power supply na eksklusibong ginagamit ng mga mag-aaral.
Layon ng programang matulungan ang mga paaralang nasalanta ng lindol noong 2019, partikular ang anim na pampublikong paaralang labis na naapektuhan ng naturang kalamidad sa Mindanao.
Gayundin, ito ay suporta sa Retooled Community Support Program ng DTI, alinsunod sa Executive Order 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinamagatang ‘Institutionalizing the Whole-of-Nation Approach in Attaining Inclusive and Sustainable Peace, Creating a National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, and Directing the Adoption of a National Peace Framework’ sapagkat ang Cotabato ay isa sa mga hotspot ng usaping pangkapayapaan sa Mindanao.
Ang iba pang nakatanggap ng computer sets ay ang Balite NHS, Buena Vida NHS, Bulakanon NHS, Kisante NHS, Nueba NHS, at Sto Nino HS.
Ayon kay DTI Development Specialist Epifania Ealdama, ito ay ikalimang bahagi na ng pamimigay ng educational gadgets. Patuloy nilang ipamamahagi ang naturang mga gamit hanggang sa ang lahat ng mga paaralan ay makapagpatuloy sa paghahatid ng dekalibreng edukasyon.
Laking pasasalamat naman ng BNHS sapagkat higit na kailangan ng mga mag-aaral ngayon ang computer dahil marami sa kanilang enrollees ay walang sariling gadget na ginagamit sa pag-aaral.