Region

BANGKA GAMIT SA PAGHAHATID NG MODULES SA DAVAO OCCIDENTAL

/ 23 November 2020

SA PAGTUTULUNGAN ng mga guro, magulang, opisyal at iba pang volunteers ay inihahatid ang mga module at iba pang learning resources sa mga mag-aaral sa isang elementary school sa lalawigan ng Davao Occidental gamit ang mga bangka.

Kamakailan lang ay inilunsad ng Doña Regina Elementary School, isang paaralan sa distrito ng Sta. Maria East sa Davao Occidental, ang programang ‘Bangka-Aralan’.

Layunin ng programang ito na mapadali ang pamamahagi ng self-learning modules sa learners ng paaralan gamit ang mga bangka. Bukod sa SLMs, hatid din ng mga bangka ang speakers na nagkakaloob ng audio instructions bilang supplement sa modular learning. Malaking tulong ito para sa mga magulang na limitado ang kakayahan sa pagtuturo sa kanilang anak.

“Ang proyektong Bangka-Aralan ay proyekto ng Doña Regina Elementary School. Ito ay nabuo dahil sa pakikipagtulungan ng mga guro, PTA president at taong handang tumulong sa ikabubuti ng ating mga mag-aaral,” sabi ni Rovil Tagose, Teacher in Charge ng Doña Regina Elementary School.

“Ang tanging layunin ng proyektong ito dahil sa pandemyang nararanasan natin ngayon sa ating bansa at sa buong mundo ay maging kasangkapan upang maihatid ang mga self-learning module sa mga komunidad at alalayan ang ating mga magulang sa pag-aaral ng ating mga mag-aaral,” dagdag pa ni Teacher Rovil.

Pinasalamatan naman ni Dr. Lorenzo Mendoza, OIC Schools Division Superintendent, ang mga magulang sa kanilang pagsuporta sa programang ito.

“Kung ‘di natin ipagpapatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante, sino naman ang susunod sa ating mga opisyales? Kasi itong mga kabataan ngayon ang hahalili sa kung ano pa mang propesyong hinahawakan ng ibat’ ibang tao ngayon. Lahat tayo ay produkto ng edukasyon,” sabi ni Dr. Mendoza.

“Kaya, nagpapasalamat ako sa inyong lahat dahil sa inyong walang sawang pagsuporta. Kung tutuusin, kabahagi talaga ang magulang sa pagtuturo ng ating mga anak. Bakit? Dahil ang kinabukasan ng ating mga anak ay nakadepende rin sa kung ano ang itinuturo natin sa kanila. Ngayong nakikita nila na ang kanilang magulang ay todo suporta sa kanilang pag-aaral sa pamamagitan nitong mga modules, kasabay ng pag-asa ng mga teachers, ay nakita nila ang buong komunidad ay tulong-tulong para lang sila’y makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral. Lahat ay tulong-tulong para sa edukasyon,” dagdag pa niya.