BALIK-DISTRIBUSYON NG MODULES SA BALER, AURORA
MAAARI na uling mamahagi ng learning modules sa Baler, Aurora matapos na suspendihin ito dahil sa local transmission ng Covid19.
Ayon sa Executive Order no. 002-2020 na inilibas ni Baler Mayor Rhett Ronan Angara, puwede na ulit ipamahagi ang mga module simula ngayong araw, Nobyembre 3.
“Napagkasunduan sa pagtataya ng buong kapulungan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang pagpapawalang bisa sa kautusan blg. 001-2020 na inilibas ng MIATF-MIED noong ika-18 ng Oktubre,” sabi ni Mayor Angara.
Ang EO ay pinawalang-bisa ng lokal na pamahalaan nang malaman na walang nahawaan ang pinakahuling indibidwal na nagpositibo sa Covid19.
Ayon sa alkalde, mahalaga ang edukasyon sa mga kabataan kung kaya agad ding pinayagan ang pamamahagi ng modules matapos ang resulta ng contact tracing.
“Ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga kabataan ay kabilang sa pangunahing tungkulin na dapat mapangalagaan,” dagdag pa niya.