BAGONG LUMAD SCHOOL BINUKSAN NA SA PAQUIBATO, DAVAO CITY
PINASINAYAAN ng Department of Education at ng 89th Infantry Battalion ang bagong paaralang Lumad sa Sitio Paraiso, Barangay Tapak, Paquibato, Davao City noong Oktubre 12.
Butay Elementary School – Paraiso Annex ang ngalan ng paaralang maaaring pasukan ng mga batang Lumad na noon ay naglalakad pa ng higit dalawang oras upang marating ang paraalang Sitio Butay, ang pinakamalapit na eskuwelahan.
Ang Butay ES ay may dalawang silid na kayang umakomoda ng 77 mag-aaral. Ito ang ika-10 yunit na itatayo eksklusibo sa mga miyembro ng naturang indigenous minority.
Sa ngayon, dahil hindi pa natatapos ang gusali ay pansamantalang mag-aaral ang ilan sa pinakamalapit na daycare center.
Ayon kay 89IB Commander Silas Trasmontero, ang proyekto ay bunga ng bayanihan. Mga residente ng Sitio Paraiso ang personal na nagkumpuni ng ilang gamit at nagtayo ng mga silid habang lokal na pamahalaan at mga pribadong organisasyon ang nagbigay ng pondo at iba pang pangangailangan.
Malaki ang pasasalamat ng buong komunidad sa mga nakiisa tungo sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon sa mga malalayong nayon mula sa sentro.
Ang turnover ceremony ay dinaluhan ng mga pinuno ng DepEd Davao, ilang mga tribal leader, opisyal ng barangay, mga donor, miyembro ng 89IB at 1003IB, at mga magulang ng ilang mga batang Lumad.