Region

BAGONG IP COMMUNITY SCHOOLS SA SURIGAO DEL SUR

/ 19 September 2020

MINAMADALI na ng Department of Education Caraga at ng Caraga Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang pagtatayo ng mga ipapalit sa mga ipinasarang Tribal Filipino Program of Surigao del Sur at Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development, dalawang paaralang kumukupkop sa Indigeneous Peoples ng Muslim Mindanao.

Nakapagsumite na ng kumpletong dokumento ang dalawang paaralan mula sa Sitio Simowao ng Brgy. Diatagon, Lianga at Sitio Lucnodon ng Brgy. Mahaba, Marihatag na inaasahang mangangasiwa sa mga programang maghahatid ng espesyal na kurikulum para sa mga estudyanteng katutubo.

Sa katunayan, Marso pa lamang ay sinimulan nang itayo ang mga paunang gusaling gagamitin sana ngayong akademikong taon.

Kahit na ipinagbabawal ng DepE at ng IATF ang face-to-face classes, tuloy pa rin ang konstruksiyon ng nabanggit na mga gusali. Ang badyet  ay nagmula sa lokal na pamahalaan ng Lianga at Marihatag na suportado ng Caraga Regional Development Council at ng panlalawigang pamahalaan.

Para pabilisin pa ang konstruksiyon ay naglabas din ng resolusyon ang technical working group ng RTF-ELCAC kaugnay sa panghihingi ng donasyong troso at coco lumber para sa pagtatayo ng mga kinakailangan sa pagtuturo at pagkatuto.

Kaakibat nito ang ikalawang resolusyong magpopormalisa ng tipanan ng mga munisipyo ng Lianga, Tago, Marihatag, at San Miguel sa Surigao del Sur tungo sa paghahanap ng pinakamainam na lugar at lupaing tatayuan ng IP Community Schools sa probinsya.

Nakakuha rin ang RTF at DepED Caraga ng suporta mula sa Philippine Army Engineering Brigade para sa repormang pang-edukasyon.

Ang TRIFPSS at ALCADEV ay ipinasara noong nakaraang taon dahil umano sa kawalan ng permit para makapag-operate mula sa DepEd.