BAGONG DIGITAL TECH TRAINING CENTERS PINASINAYAAN NG SOUTHERN LEYTE LGU, DICT
MAGKATUWANG na pinupunan ng Southern Leyte Local Government Unit at ng Department of Information and Communications Technology ang pangangailangan ng mga mamamayan ng lalawigan na magkaroon ng dekalibreng digital technological training centers.
Ang mga training center na ito ang maghahasa sa kani-kaniyang kakayahan sa gitna ng mapaminsalang krisis pangkalusugan.
Mula sa Pagandam sa Bag-ong Panahon o Preparation for a New Normal Covid19 Recovery Program ang pondong ginamit sa pagtatayo ng naturang technical training centers na nagkakahalaga ng P1.9 milyon.
Kasabay ng pagtatayo ng mga training center ay ang pagbili ng mga kinakailangang gadget para sa katagumpayan ng mga pagsasanay. May kaunti mang antala dahil sa mataas na demand ng laptops, tablets, at modems, sinisikap pa rin ng lokal na pamahalaan na mailapit ito sa bayan sa lalong madaling panahon.
Sa isang pampublikong pahayag, sinabi ni Southern Leyte Systems Administrator Vitto Tomol na 18 lungsod at bayan ang madadalhan ng mga gadget na maaari nilang hiramin at gamitin sa loob ng tech centers. Ilang online classes at training-workshops dito ay ihahatid ng Department of Science and Technology at ng Technical Education and Skills Development Authority.
Sinumang Leytenon ay maaaring bumisita sa tech center at dumalo sa mga online na gawain, bagaman prayoridad ang mga nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.
Katuwang ng Southern Leyte LGU ang DICT sa pagpapaunlad ng mga sentro. Gayundin, tuloy- tuloy ang kanilang ugnayan sa ahensiya para sa usapin ng internet speed at connectivity.
Iniulat din ni Tomol na maglalagay ng mga libreng WiFi hotspots sa mga pampublikong lugar sa lalawigan para magamit ng mas maraming mag-aaral at empleyado.