ART EXHIBIT INILUNSAD NG DLSU-DASMA
SA KAUNA-UNAHANG pagkakataon, birtwal na inilunsad ng De La Salle University-Dasmariñas Visual and Performing Arts Production Unit ang art exhibit na may temang OBRA 16: SWERVE upang isulong ang visual arts habang itinutulak ang tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga kabataan sa panahon ng pandemya.
Pinangunahan ni Michaella Tamonan, presidente ng nasabing organisasyon, ang naturang art exhibit para makalikom ng pondo at tulungan ang Brigada Eskwela 2021 ng Department of Education-Dasmariñas.
Ito ay nagbigay-daan sa donation drive para sa pagbili ng hand-out module bags, 100-peso load cards at school supplies bilang tulong sa mga public school teacher at learner.
Nagpahayag din ng lubos na pasasalamat ang City Schools Division of Dasmariñas Chief of School Governance and Operations Division na si Dr. Emmanuel Resurreccion sa mga young artist at administrator ng DLSU-D dahil sa pagpili aa Division nila bilang benepisyaryo ng kanilang taunang art gallery.
Ang kanilang mga gawa ay hindi lamang nagpapamalas ng kanilang kagalingan sa kamay at mataas na pagtingin sa sining kundi nagsisilbi ring inspirasyon sa lahat na gamitin ang kanilang mga talento upang matulungan nila ang iba, lalo na ang mga nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Sa katunayan, ipinakita nila na may pag-asa sa kamay ng kabataan. Ang kanilang selflessness ay magsisilbing inspirasyon sa marami upang magsimula ng pagbabago sa komunidad.
“This worthy activity provides avenue to showcase God-given talent with the purpose of helping mankind, especially learners in the public schools. Such act is an expression of gratitude through art that inspires ‘bayanihan’ amid pandemic and natural calamities. Merry Christmas to you all!,“ dagdag ni Celedonio Balderas, Jr., Schools Division Superintendent, City Schools Division of Dasmariñas.
Inaasahan ni Michaella na ang fundraising event na ito ay makatutulong sa mga estudyante para
makasabay sa kanilang online class sa kabila ng pandemya na nagpabago sa karaniwang pamamaraan ng pag-aaral dahil naniniwala ang grupo na ang bawat estudyante ay karapat-dapat makatanggap ng dekalidad na edukasyon at tuloy-tuloy na suporta.