Region

ARMOR SCHOOL CLASSES SA TARLAC ONLINE NA RIN

/ 29 September 2020

DAHIL sa lumalalang kaso ng Covid19 sa bansa ay sinikap ng Armor School ng Armor Pambato Division sa Camp O’Donnell, Capas, Tarlac na magpasinaya ng isang E-Learning Management System Facility sa paghahatid ng mga araling may kinalaman sa pangmilitar na paghahanda at pagreresponde at iba pang mga metodolohiyang kailangang matutunan ng mga sundalo.

Kahit may pandemya, ang pag-aaral ng estratehiya ay dapat pa ring magpatuloy. Subalit para mapanatili ang kaligtasan at nang hindi magkahawahan ng virus, ngayong tao’y iimplementa itong fully online sa tulong ng mga self-learning module at iba pang materyales pampagkatuto.

‘Gamechanger’ ang naturang hakbang para kay Army Commanding General Lt. Gen. Cirilito Sobejana sapagkat hindi niya inakalang mangyayari ang gayong ‘new normal education’ para sa kasundaluhan.

“Good governance is the hallmark of our being a world-class army that is a source of national pride,” wika niya na lakip ng labis na kasiyahang makapagpapatuloy sa pag-aaral ang mga alagad ng kapayapaan sa Filipinas.

Kaakibat nito, ang katatapos lamang na Officer Clubhouse ng Armor Pambato Division, ay pormal nang pinasinayaan ng Department of Public Works and Highways sa Philippine Army na tinanggap ni Sobejana.

Sa Officer Clubhouse isasagawa ang mga kumperensiya, pagsasanay at iba pang command activities ng hukbong sandatahan.