APELA NI NANAY SA NPA: IBALIK NINYO ANG ANAK KO!
NAGMAMAKAAWA ang ina ng isang Grade 11 female student sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army na pauwiin na ang kanyanng anak upang makabalik sa pag-aaral at mabuhay nang matiwasay sa Cagayan.
“Sa mga rebeldeng NPA, ibalik ninyo ang anak ko! Wala na kayong ginawa kundi sumira ng kinabukasan ng mga kabataan. Ibalik ninyo ang aking anak! Hindi ninyo alam kung gaano kasakit mawalay sa anak,” apela ni Ginang Venancia Gayagas, ng Barangay Bural, Zinundungan Valley, Rizal, Cagayan.
Ayon sa ginang, ang kanyang anak ay 17-anyos lamang at mag-aaral ng Lasam Academy sa Barangay Centro 2, Lasam, Cagayan.
Huling nakapiling ng ginang ang anak noong Nobyembre 2020 at naniniwalang isinama ito ng mga rebelde sa kabundukan dahil nagiging madalas na ang pag-alis ng mga kabataan sa kanilang bahay at may mga ulat na sumasama sa communist terrorist groups.
“Natatakot ako, 17-anyos pa lang ang anak ko. Paano kung pinabayaan na siya ng mga NPA tulad ng mga napapabalitang ginagawa nila sa kanilang mga kasamahan kapag hindi na nila mapakinabangan pa. Ramdam kong nahihirapan na ang aking anak,” naluluhang sabi ng ginang.
Mula nang hindi umuwi ang anak ay hindi na ito makakain at makatulog, at nanawagan din sa anak na magpakita na lamang.
“Anak, huwag kang matakot na magpakita sa amin. Kasama natin ang mga sundalo. Tutulungan ka nila. Bumaba ka na para maipagpatuloy mo pa ang iyong pag-aaral at upang muli ka na naming makasama” panawagan ni Gayagas sa dalagitang anak.
Inamin naman ni Major Jekyll Julian Dulawan, officer-in-charge ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, na ang Zinundungan Valley ay kilalang guerilla base ng CPP-NPA.