ANTIQUE SDO BUMUO NG MOBILE LABS
BUMUO ng mobile laboratories ang Schools Division Office ng Antique upang masiguro na magkakaroon ng akmang learning modalities kung saan matututo ang mga mag-aaral base sa module at first-hand experience.
Isa na rito ang technical and vocational livelihood mobile laboratory kung saan ang mga guro sa mga komunidad ay may mga kagamitan sa Bread and Pastry, Food and Beverage Services, Cookery, at Electrical Installation and Maintenance upang mas maipaliwanag sa mga learner ang aralin.
Sinabi ni Antique Schools Division Superintendent Felisa Beriong na hinikayat siya ni Region 6 Director Ramir Uytico na gawin ito sapagkat nakitaan nito ng potensiyal ang TVL mobile laboratory para mapaigting ang authentic learning at skills training ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng paggawa ng science lab.
Kaya pinangunahan ni SDS Beriong ang pagbuo ng Science Mobile Baul Laboratory upang magkaroon ng magandang pagkakataon sa paggamit ng microscope at makapagsagawa ng mga eksperimento nang may kumpletong gamit.
Sinabi naman ni Antique National School Principal Roger Jomolo na mahalaga ang mga ganitong inobasyon para sa epektibong pagkatuto ng mga mag-aaral.
“These are good for learners, [especially those] with no equipment at home like oven or beaker. Not all of them have internet access. May mga competencies kasi na mas madaling matutunan ‘pag [hands-on] ginagawa ng bata,” sabi ni Jomolo.
Ayon naman sa Grade 10 STE student na si Rojane Delos Reyes, naging mas epektibo pa ang kanilang pag-aaral dahil sa mga ginawang pagbabago sa sistema ng blended learning ngayong taon.
“Ngayong ginawang limang araw ang pasok, masasabi kong medyo mahirap masanay dahil sa nakasanayan noong nakaraang taon na tatlong araw lamang ang pasok, ngunit sa tingin ko ito ay nakakatulong lalo na’t ginawa ito upang dalawang beses kami sa isang lingo magkaroon ng klase sa major subjects,” ani Delos Reyes.
Inaasahan naman ng SDO Antique na sa tuluyang pag-apruba ng IATF sa mga interbensyong katulad ng mga ito, mas magiging makatotohanan ang hands-on training sa mga mag-aaral kahit may pandemya.