Region

ANTIPOLO LGU NAMAHAGI NG AKLAT SA MGA KATUTUBONG MAG-AARAL

/ 26 September 2021

BINIGYAN ng mga aklat ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City ang mga katutubong bata para sa kanilang modular learning.

“Dahil sa pandemya, natigil ang face-to-face classes at naging modular ang paraan ng pag-aaral, kaya isinama na rin natin ang ating City Library Office sa bundok para sa mga batang katutubo,” sabi ni Mayor Andeng Ynares.

“Nakakatuwa dahil kitang-kita sa kanilang mga mata at ngiti sa kanilang mga labi ang kasabikan na makapag-aral, kaya iniwan na rin natin sa kanila ang mga librong dala natin para kanilang puwedeng basa-basahin at pag-aralan,” dagdag pa ng  alkalde.

Samantala, namigay rin ng school supplies at mga bag ang lokal na pamahalaan sa lahat ng mga mag-aaral sa lungsod.

“Matapos nating magpamahagi ng mga IT equipment at mga Cherry Mobile Flare tablets sa lahat ng public Senior High school students pati sa lahat ng mga mag-aaral ng Antipolo Institute of Technology nitong buwan ng February, ngayon naman buwan ng September ay pagbibigay ng mga bags at school supplies (at face masks ngayong may pandemic) sa lahat ng public elementary at high school students sa ating lungsod tulad ng ating ginagawa taon-taon simula year 2014,” sabi ni Mayor Ynares.

“Sa kabila ng iba’t ibang mga hamon dulot ng Covid19, tiwala po akong malalampasan natin ang mga pagsubok sa tulong at kooperasyon ng lahat,” dagdag pa ng alkalde.